Sa loob ng mahigit tatlong buwan, nasanay na ang lahat sa atin na nakikitang magkasama sila Alden at Maine sa Eat Bulaga, sa Kalyeserye, sa mga commercial, sa standee, at sa mga pictures, saan mang lugar. At aminin natin, natutuwa tayo sa nakikita natin. Ramdam natin ang kilig sa presensiya nilang dalawa, lalo na kapag ginagawa na nilang magpalitan ng mga emosyon sa TV. Mismong makita lang natin sila, kahit saglit lang, ay napapangiti tayo. Marinig lang natin ang mga kantang dina-Dubsmash nila, napapahinto tayo at nakakaramdam ng saya sa tuwing naaalala natin sila. Parte na sila ng buhay ng maraming Pilipino, at mahirap isipin kung hindi sila kumpleto.
Bilang sa mga daliri natin kung ilang beses natin nakitang wala si Maine o si Alden sa Kalyeserye. Alam ng production team kung gaano kahirap ang mawala sila. Kaya kahit anong posibleng paraan ang maisip nila, same day flights man yan pabalik-balik, ay gagastos sila huwag lang madismaya ang mga nag-aantabay sa pinakamatinding tambalan sa bansa ngayon. Minsan, kahit masama na ang pakiramdam nila, pinipilit pa rin nilang magpakita para sa mga taong giliw na giliw sa kanilang paglalambingan.
Taas kamay ako sa pagiging propesyonal nilang dalawa. Bagamat sa kanilang edad na kadalasan ay iresponsable sa oras at mga commitments ang mga bata, hindi sila nagkukulang sa inaasahan sa kanila. Kahit na nasa bingit na sila ng kamatayan, kagaya ng nangyari kay Yaya Dub sa kasal nila ni Frankie, gagawin pa rin nilang sumipot at gawin ang trabaho nila. Yan ang klase ng work ethic mayroon si Alden at Maine, at sana ay tularan din natin.
Sa madaling sabi, hindi po nila kagustuhan ang mahiwalay sa piling ng isa't isa. Nakikita naman natin ang pagkahumaling nilang dalawa sa papel na kanilang ginagampanan. Dahil sa mga totoong nagmamahal sa kanilang mga trabaho, wala nang mas sasaya pa sa pakiramdam na nakakapagpaligaya ng tao. Alam kong yun ang sentimiyento nilang dalawa.
Aminin man natin o hindi, ang AlDub ay binubuo ng dalawang taong pinagbuklod ng sambayanan... Si Alden, at si Yaya Dub. Oo, dalawang magkahiwalay na tao na gumaganap sa papel ng isang poging manliligaw at isang yayang nag-aalaga sa kanyang Lola Nidora.
Darating ang panahon na kailangang mapansin ang bawat isa sa kanila ayun sa kani-kanilang mga talento at galing. Hindi sapat para sa isang indibidwal na lagi kang tali sa ka-love team mo. Paano kung may mga proyekto na sa isa lamang ibibigay? Hindi naman din pwede na maisama ang isa pa dahil may mga sarili din siyang mga tungkulin na kailangang gampanan. Bakit mahirap intindihin yun sa iba sa atin? Hindi ba't si Alden ay Alden at si Yaya ay si Maine? Kahit ang mag-asawa ay kailangan ding magsarili ng landas paminsan-minsan upang mabigyan ang sarili ng pagkakataon na mahalin at umunlad.
Isang bagay ang malinaw: sa tuwing di sila magkasama, naglalabas ng sama ng loob, pagkadismaya, at minsan ay galit dahil wala ang isa sa kanila. Hindi naman lahat ng miyembro ng AlDub Nation ay ganoon. Pero mayroong iba sa atin na hindi lubusang nakakaintindi.
Kailangan nating tanggapin ang katotohanan na hindi sila lagi pwedeng pagsamahin. Sa endorsements, mas mahal ang budget kung dalawa sila. Sa mall tours, mas focus ang gaya ni Alden na mainstay na sa Kapuso Network. Sa mga palabas, wala namang kontrata si Maine para maisali sa mga shows na nandoon si Alden, gaya na lang halimbawa ng Sunday PinaSaya. Bagamat yun ang gusto ng karamihan, hindi lahat ng desisyon ay pabor sa mga fans.
Oo, sabihin natin na ang fans ang dahilan kaya't nabuo ang pambansang love team na ito, at utang na loob ng AlDub ang kanilang pagsikat sa AlDub Nation. Pero hindi natin pwede ipagdamot sa kanila na sila ay tao rin na may kapangyarihan na mamili sa kani-kanilang mga pangarap na gustong abutin. Gayun din, mga bagay na kailangan nilang pagtuunan ng pansin, oras, at panahon. Hindi natin sila binayaran. Kalabisan ang abusuhin ang karapatan nilang maging malaya ayon sa kanilang mga desisyon sa buhay. Hayaan natin silang lumago ayon sa sarili nilang landasin.
Iwasan natin na maging madamot at mapangkutya sa mga pagkakataon na iba ang mga lakad ni Alden. Ni hindi natin lawakan ang pag-intindi at unawain na lang natin siya. Mahirap ang kalagayan niya na matambakan ng mga commitments, kaliwa't kanan. Pero kahit na pagod na, nanghihina, at minsan ay nagkakasakit, patuloy pa rin siya sa pagtugon sa tawag ng entablado na pasayahin ang mga fans sa buong bansa at sa ibang dako ng mundo. Huwag tayong maging hitad na magiging basher at KSP dahil wala si Alden sa Kalyeserye.
Mismong mga fans pa pala ang sisira sa imahe na nais ipabatid ni Alden at Maine sa mga tao: maunawain, mapagpakumbaba, masunurin, marunong tumupad sa pangako, marunong makisama. Huwag ganoon! Sila mismo ang nasasaktan sa tuwing may iba sa AlDub Nation na mas pinapahalagahan ang pansariling interes na hindi man lang magtanong kung bakit nangyayari sa kanila ang mga bagay bagay. Huwag naman sana tayo mapahiya bago tayo matauhan.
Kung mahal natin sila Alden at Maine, buo ang suporta natin kahit magkasama o hiwalay man sila sa kani-kanilang mga hangarin at ambisyon. Sa kanilang pagsikat bilang indibidwal, iparamdam natin sa kanila na kahit hiwalay man sila, kagaya ng 1,701 na isla sa bansa, ay matatawag pa rin silang AlDub, sama sa Pilipinas. Intindihin natin ang pagiging indipendente nila. Malay niyo, magsawa din silang magkahiwalay na totohanin na nila ang magsama dahil hindi na sila sanay na mawalay sa piling ng isa't isa? Suporta lang tayo at walang bibitiw sa love team na nakakaaliw, ay ubod ng giliw!